Hindi ko winawangis ang sarili sa mga ibon o di kaya’y sa mga isda sa kanilang paglalakbay. Sapagkat narito lang ako, sa isang sulok - nag-iisa. Nagmamasid. Minamasdan ka. Tinatanaw ka habang ika’y walang pagod na umiikot sa aking mundo.
Ikaw ang mundo; ako ang buwan – ang buwan na sa gabi mo lang natatanaw. At kahit sa dilim ma’y hindi mo ako mapapansin. Dahil ano ba naman ang isang buwan sa mga bituin – mga talang kinakausap mo sabay sa pag-ihip ng hangin. Ang mga kumukutitap na mga anghel na sinasambit ang iyong mga panalangin, ang mga bituing nakakarinig sa iyong mga pakiusap.
At kahit minsan nawawala ang buwan, ang mga tala’y patuloy pa rin sa kanilang liwanag – at hindi mo mapapansin ang aking paglisan. At kahit paunti-unting siyang bumabalik, ang mga tala’y patuloy pa rin sa kanilang liwanag – at hindi mo kailanman mababatid ang aking pagmamahal…
- habang naghihintay sa harap ng elevator ng ika-24 na palapag ng tinitirhang condominium, biglang naisambit ng aking mga labi ang mga salita ng unang bahagi ng maliit na komposisyong ito. Pagkatapos makabili ng Absolute Mineral Water at Paracetamol Biogesic (medyo masakit ang ulo, ingat!) sa magkakalapit na tindahan, dali-dali akong bumalik sa aming unit at tinapos ang buo gamit ang laptop ng aking kamag-aral sa Silliman (iniwan naman kasi ang laptop sa opis). Ito’y produkto ng “kati ng manunulat (writer’s itch, tama naman di ba?)”
No comments:
Post a Comment