July 27th, 2007 by truesurvivor
sa paghiwalay ba ng dalawang pusong minsang nagmahalan, iisa lang ba ang titibok, at ang kabila’y mamatay na? sino ba ang tunay na may sala sa mga naganap? tadhana ba o ang sadyang paglayo ng isa sa pangako ng magpakailanman?
masakit ang magmahal. hindi nito binibilang ang mga naturang sandali na kayo ay magkasama. hindi din nito batid ang mga tampuhan, batian, halikan, pagkamuhi sa isa’t isa. basta nandiyan lang siya - nanatili sa init ng sinumpaang pagmamahalan.
sandali man, isang linggo, dalawang araw, tatlong buwan, o apat na taon, ito’y hahabi sa iyong nakaraan at pilit na mananalaytay sa iyong puso, habang pilit mo itong iniiwasan. ito’y bahagi mo na, isang bahaging hindi na kailanman mawawaglit.
dahil sa pagmamahal, natutunan natin ang kagandahan ng buhay, ang kasakiman nito, at ang pag-asang dulot ng nagwakas na araw. kaya sa bawat sandali na kapiling mo siya, alalahanin mo na lang, na milyon-milyon na ang natapos, hahayain mo pa bang mapabilang kayo sa lista?
pasalamat ka at mayroon nilikha na inaaway ka dahil sa mga kamalian mo. pasalamat ka at nariyan siya sa pinakamalungkot na sandali ng iyong buhay. pasalamat ka at nagmamahal at minamahal ka…
narito ako ngayon, masayang nagmumukmok sa kalungkutan sa kalaliman ng gabi. nag-aantay, nagliliwaliw sa kabalintunaang babalik pa siya sa akin…marahil sa panaginip, ngunit hindi sa mundong minsan naming ginalawan…
--
Isang munting paalala lamang sa mga magkasintahan (pa) ngayon mula sa dating nagmahal. Isinulat halos dalawang taon na ang nakalipas.
No comments:
Post a Comment